Pormal nang binuksan ngayong araw, Enero dise-otso, ang Bambanti Festival 2026 kasabay ang Agri-tourism booths ng Bambanti Village sa Capitol Grounds, Ilagan City bilang isa sa mga pangunahing tampok sa Bambanti Festival 2026.
Tampok sa Bambanti Village ang malikhaing pagkakakilanlan ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan sa pamamagitan ng mga booth na gawa sa kombinasyon ng tradisyonal at makabagong materyales. Ayon sa mga lumahok, ilang araw o linggo rin ang kanilang ginugol sa pagdidisenyo at paggawa ng mga booth upang maipakita ang kultura, likas-yaman, at produktong ipinagmamalaki ng kani-kanilang mga lugar.
Kabilang sa mga tampok ang booth ng San Mateo na pangunahing ginawa mula sa monggo at iba’t ibang uri ng beans na sumasalamin sa pangunahing produktong agrikultural ng bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Keith Esteban, Tourism Officer ng Ramon, ang kanilang bayan ay may temang “Panaggaraw,” hango sa lokal na paniniwala at sa isinusulong na bagong kapistahan; at ang Magat Dam na matatagpuan sa kanilang lugar. Ipinakita rin sa kanilang booth ang konsepto ng “bagong Ramon” bilang bahagi ng pinalakas na kampanya sa turismo.
Makikita rin ang booth ng Roxas na hitik sa sariwa at de-kalidad na gulay, na patunay sa mahalagang papel ng bayan bilang isa sa mga pangunahing pinanggagalingan ng gulay na inaangkat sa iba’t-ibang bayan tulad ng Lungsod ng Cauayan.
Samantala, sa pagpapahayag ng Bombo Radyo Cauayan kay Criselle Lucas, Municipal Cooperative Officer ng Tumauini, tampok sa kanilang booth ang mga produktong gawa sa rattan mula sa mga kooperatiba ng bayan, na inihalo sa temang “Ararawan” at Mangi Festival. Ang nasabing booth ay nilikha ng mga young artists ng bayan.
Ipinagmamalaki rin ang booth ng Divilacan na may temang pinagsamang karagatan at kabundukan ng Sierra Madre. Ayon sa mga opisyal, bilang isang coastal town, ibinyahe pa sa pamamagitan ng bangka ang ilang materyales mula Divilacan patungong Sta. Ana, Cagayan bago dinala sa Ilagan City. Mayroon ding buhangin na nagmula mismo sa Divilacan na ginamit bilang sahig ng kanilang booth.
Samantala, tampok sa booth ng Cabatuan ang iba’t ibang uri ng kakanen na kaugnay ng Kankanen Festival ng bayan, kabilang ang patupat, tupig, at moriecos. Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jude Ramos, Tourism Officer ng Cabatuan, madaling-araw pa lamang ay sinimulan na ang paggawa ng mga ito upang matiyak na sariwa at de kalidad ang mga ito. Aniya, layunin ng bayan na maitaas ang antas ng mga kakanin bilang produktong maaaring ihandog hindi lamang sa palengke kundi maging sa mga café.
Sa bayan naman ng Luna, itinampok ang mga batong nagmula pa sa Lalog Bridge bilang bahagi ng Bato Art Festival. Kasama rin sa tema ang pagkilala kay Heneral Antonio Luna, na pinanggalingan ng pangalan ng bayan, at ang pamamahagi ng mga pagkaing tulad ng lechon at dinuguan.
Samantala, inaasahan pa sa mga susunod na araw ang iba’t ibang aktibidad na dapat antabayanan bilang bahagi ng Bambanti Festival 2026, kabilang ang Queen Isabela 2026, streetdance showdown at parade, grand concert, at ang mga nasabing agri-tourism booths sa Bambanti Village.











