CAUAYAN CITY – Tinanghal na grand champion ang Bambanti Festival ng Isabela sa 14th ATOP-DOT Pearl awards sa ginanap na 20th National Convention ng Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) sa San Agustin Church compound sa Paoay, Ilocos Norte.
Sa 24 na lumahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa ay sinala sa lima at tinanghal na grand champion ay ang Isabela.
Mahigpit na nakatunggali ng Isabela ang Begnas Di Bauko ng Bauko, Mt. Province;Kneeling Carabao Festival ng Pulilan, Bulacan; Pista’y Dayat ng Pangasinan, at Simballay Festival ng Nabuntura, Compostella Valley.
Ang award bilang Best Tourism Event, Thanksgiving for a Bountiful Harvest category ay tinanggap nina Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano at Board Member Abegail Sable.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Miano, sinabi niya na tinanghal na grand champion ang Bambanti Festival na maituturing na unique o kakaiba dahil ginawa ito batay sa mga gawain ng mga magsasaka sa Isabela.
Ang bambanti o scarecrow ay sumasagisag sa mga magsasaka at kabukiran.
Ayon kay Dr. Miano, ang Santiago City ay nanalo rin sa kanilang kategorya maging ang Quirino sa sports event category habang ang Ilagan City ay 2nd runner up sa Best Tourism-oriented LGU.
Sinabi ni Dr. Miano na walang kalakip na premyo ang award ngunit ito ay pagpapakita na matatag ang pundasyon ng turismo sa Isabela.
Hindi na lamang sumasabay kundi nangunguna na sa mga magagaling na festival sa bansa
Ang parangal aniya ay para sa mga Isabelino lalo na ang mga magsasaka na patuloy na naghahatid ng masaganang ani sa Isabela.
Patunay din ito na world class na ang Bambanti Festival.