--Ads--

Opisyal nang nagbukas ang banchetto sa Isabela Convention Center (ICON) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Gawa-Gawayan Festival at ika-35 anibersaryo ng cityhood ng Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief of Police ng Public Order and Safety Division (POSD) ng lungsod, sinabi nito na nakaalerto ang mga otoridad upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng mga aktibidad, sa kabila ng mga kinakaharap na hamon tulad ng tumataas na presyo ng petrolyo at iba pang alalahanin.

Ayon kay Mallillin, layunin ng banchetto na mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makapaglibang at makapag-unwind, kasabay ng selebrasyon ng lungsod. Gayunman, binigyang-diin nito na mahalaga pa rin ang disiplina at responsableng pakikilahok ng bawat isa.

Nakadeploy sa lugar ang mga tauhan ng POSD, Philippine National Police (PNP), at City Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaayusan at seguridad ng mga dadalo.

--Ads--

Pinahihintulutan naman ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa lugar, subalit pinaalalahanan ang publiko na umiwas sa labis na pag-inom at huwag magmaneho kung lasing. Mahigpit ding ipatutupad ang curfew para sa mga menor de edad na hanggang alas-10 ng gabi lamang maaaring manatili sa lugar.

Samantala, bukas ang banchetto hanggang madaling araw upang mabigyan ng sapat na oras ang mga bisita na makatikim ng iba’t ibang pagkain at makilahok sa kasiyahan. Gayunman, iginiit ng opisyal na ang naturang aktibidad ay para sa pamilya at maayos na pagtitipon, hindi para sa kaguluhan.

Binalaan din ni Mallillin ang mga posibleng pasaway na magtatangkang manggulo, kabilang ang mga sangkot sa rambulan o pananaksak, na agad silang aaksyunan ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, inaasahang pansamantalang ititigil ang ilang aktibidad ng festival sa pagpasok ng Mahal na Araw bilang paggalang sa paggunita, at muling ipagpapatuloy ang mga programa matapos ang nasabing panahon.

Sa huli, nanawagan ang POSD sa publiko na panatilihin ang kaayusan, igalang ang kapwa, at makiisa sa ligtas at masayang pagdiriwang ng Gawa-Gawayan Festival sa Cauayan City.