--Ads--

Hindi bababa sa 10 katao ang nasawi at ilan pa ang nasugatan matapos magsalpukan ang dalawang tren sa timog ng Spain nitong Linggo, Enero 18.

Una nang iniulat ng pulisya na lima ang nasawi sa aksidente sa lalawigan ng Cordoba, ngunit kalaunan ay itinaas ang bilang ng mga namatay sa 10 matapos ang karagdagang beripikasyon ng mga awtoridad.

Batay sa pahayag ng ADIF, ang ahensiyang namamahala sa riles ng Spain, isang tren na bumiyahe mula Malaga patungong Madrid ang nadiskaril malapit sa bayan ng Adamuz. Tumawid ito sa kabilang riles at bumangga sa paparating na tren, na parehong nadiskaril dahil sa insidente.

Iniulat ng Andalusian emergency services na nakatanggap sila ng mga tawag mula sa mga pasahero at residente na may mga taong sugatan at naipit sa loob ng mga bagon.

--Ads--

Ayon sa ilang saksi, tuluyang tumaob ang isa sa mga bagon ng unang tren at ang lakas ng banggaan ay parang lindol. Gumamit ang mga pasahero ng mga emergency hammer upang basagin ang mga bintana ng tren at makalabas.

Batay sa mga ulat ng lokal na media, tinatayang nasa 400 katao ang sakay ng dalawang tren sa oras ng aksidente.

Sinabi ng Punong Ministro ng Spain na si Pedro Sanchez na mahigpit niyang minomonitor ang sitwasyon, habang inihayag naman ng Pangulo ng rehiyon ng Madrid na handang tumulong ang mga ospital ng kanilang lugar sa Andalusia kung kinakailangan.

Pansamantalang sinuspinde ang biyahe ng tren sa pagitan ng Madrid at Andalusia habang isinasagawa ang imbestigasyon at clearing operations sa lugar ng aksidente.