--Ads--

CAUAYAN CITY- Nauwi na ang bangkay ng isang lalaking natagpuang patay sa San Juan, Alfonso Lista, Ifugao sa kanilang tahanan sa barangay Alibadabad, San Mariano, Isabela.

Magugunitang natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na kalaunan ay nakilalang si Jonathan Anog Fanio sa barangay San Juan, Alfonso Lista na maraming saksak sa leeg na  naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Myrna Fanio, susunduin sana ni Jonathan ang anak na nasa kanyang biyenan sa Barangay Minanga, San Mariano ngunit hindi na nakauwi at hindi na rin makontak sa kanyang cellphone.

Hinanap nila ang kanilang anak na nawawala ng halos isang linggo hanggang mapakinggan sa Bombo Radyo Cauayan ang balitang may natagpuang bangkay ng isang lalaki na hindi pa nakikilala sa Ifugao.

--Ads--

Bago nagtungo ang pamilya Fanio sa Alfonso Lista, Ifugao ay  nagtungo muna sa Bombo Radyo Cauayan upang alamin ang tungkol sa napakinggang balita na pagkakatagpo ng bangkay ng isang lalaki.

 Nang malaman na nakasuot ng t-shirt na puti ang biktima ay nagpasya na silang tingnan ang bangkay.

Dito nakumpirma ng pamilya Fanio na ang kanilang nawawalang anak ang natagpuang bangkay.

Bago nila nakuha ang bangkay ay kinuhanan sila ng salaysay ng imbestigador  ng  Alfonso Lista Police Station kaugnay sa maaring ikalutas ng krimen.

Nakatakda ring  ipasakamay ng mga kasapi ng Alfonso Lista Police Station sa San Mariano Police Station ang mga nakuha nilang ebidensiya sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.

Nawawala  ang cellphone,  jacket na itim  at motorsiklong gamit ng  biktima.

Tinig ni Gng. Myrna Fabio

Kinumpirma naman   ni Gng. Fanio na may natanggap na  pagbabanta sa buhay  ang kanyang anak ngunit ang kanyang manugang nasa abroa ang nakakaalam nito dahil siya ang palaging kausap at ka-chat.