CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang bangkay ng dalawang estudiyante na nawawala matapos magpaalam sa kanilang mga magulang na maligo sa Cagayan River sa Pilitan, Tumauini, Isabela noong hapon ng Huwebes, May 14, 2020.
Ang mga biktima ay sina Jay-ar Concha, 17 anyos, grade 12 na unang natagpuan ang bangkay sa San Antonio, Delfin Albano, Isabela dakong alas otso ng umaga at Jericho Allauigan, 16 anyos, grade 11 na natagpuan ang bangkay alas onse ng umaga sa ilog sa Compania, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg Joel Allapitan, imbestigador ng Tumauini Police Station, sinabi niya nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Delfin Albano Police Station hinggil sa nakitang palutang-lutang na katawan ng tao sa San Antonio, Delfin Albano, Isabela dakong alas otso kaninang umaga.
Kinumpirma ng ama ni Jay-ar Concha na katawan niya ang natagpuan sa ilog sa Delfin Albano, Isabela.
Una rito ay dumulog si Richelle Cabanilla, 24 anyos, residente ng Lanna, Tumauini, Isabela sa Tumauini, Isabela upang ipabatid ang pagkawala ng dalawa matapos magtungo sa Cagayan River noong hapon ng May 14,2020.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang binuong team mula sa pulisya at Municipal Disaster Risk reduction and Management Council (MDRRMC) para matagpuan ang katawan ng magkaibigan.











