--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadala na kaninang umaga sa Cauayan City mula sa Poblacion ng Divilacan, Isabela ang mga labi ng anim na sakay ng Cessna Plane na bumagsak sa dalisdis ng bundok sa Ditarum. Divilacan Isabela.

Dakong alas siyete kaninang umaga nang sunduin ng Super Huey helicopter Nr 122 ng Philippine Air Force sa Divilacan proper ang bangkay ng mga biktima at dumating ang mga ito kaninang 8:39am.

Matatandaang natagpuan ang bangkay ng mga biktima noong March 9, 2023 matapos ang 42 na araw mula nang mawala ang eroplano noong January 24, 2023.

Sakay ng Cessna plane ang pilotong si Captain Eleazar Mark Joven at mga pasahero na sina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Seguerra, Xam Seguerra, pawang taga-Silang, Cavite at si Josefa Perla España na taga-Claveria, Cagayan.

--Ads--

Ipinakita muna sa kanilang pamilya ang kanilang mga labi upang makilala ang mga ito bago isinailalim sa awtopsiya. Ilalagay ang mga ito sa sealed metal casket bago iuwi ng kanilang mga pamilya.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi Atty. Gilbert Bautista, abogado ng HML Construction Company na hindi pumayag ang pamilya ng limang pasahero na isailalim sa cremation ang kanilang bangkay kundi ang pamilya lamang ng piloto na si Capt Joven na taga Munioz, Nueva Ecija.

Ang labi ng apat na magkakamag-anak ay iuuwi sa Silang, Cavite habang si España ay sa Claveria, Cagayan.

Sinabi ni Atty. Bautista na sasagutin ng kompanya ang mga gastusin sa pag-uwi sa labi ng mga biktima sa kanilang lugar.