CAUAYAN CITY – Patuloy na inaalam ng Aglipay Police Station ang pagkakakilanlan ng natagpuang katawan ng isang babae sa bangin sa Purok 1 Villa Ventura, Aglipay, Quirino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Senior Insp. Reynold Gonzales, hepe ng Aglipay Police Station kanyang inihayag na natagpuan ang katawan ng isang babae na nakabalot ng garbage bag ang mukha habang ang katawan ay binalutan ng packaging tape.
Ang katawan ng biktima, ay nakasuot ng puting long sleeves, asul na pantalon, puting belt at puting sapatos habang katamtaman ang kaniyang pangangatawan, maputi at kulay blonde ang buhok at maikli at tinatayang nasa 50 hanggang 55 anyos.
Lumabas sa pagsusuri sa Crime Laboratory na walang palatandaan na minaltrato ang biktima dahil walang nakitang galos o sugat sa katawan.
Inihayag pa ni Senior Insp. Gonzales na posible naman umanong bago lang na itinapon ang katawan ng biktima dahil malambot pa ng matagpuan.
Tinatayang nasa layong 250 metro ang layo ng bangin kung saan tinapon ang biktima mula sa Hospital at establisyimento.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa isang punerarya sa Diffun, Quirino.




