--Ads--

Kinilala na ng mga awtoridad ang babaeng natagpuang patay at nakabalot ng pulang plastic sa gilid ng Gamu–Roxas Road sa Brgy. Linglingay, Gamu, Isabela noong umaga ng Sabado, Disyembre 20.

Ang biktima ay si Roxanne Carabbacan, 31 taong gulang, may asawa, isang messenger sa bangko, at residente ng Cauayan City, Isabela.

Batay sa impormasyon, nagpaalam si Carabbacan noong Disyembre 19 para sa isang personal na lakad ngunit hindi na ito nakauwi. Kinabukasan, pasado alas-6 ng umaga, isang residente ang nakakita sa bangkay at agad itong ini-report sa pulisya.

Inilarawan ng mga awtoridad ang sinapit ng biktima bilang kalunos-lunos, dahil ayon sa paunang ulat ay sinunog ang mukha nito at may mga paso sa dibdib at kamay, bukod pa sa pagkakatali at pagkakabalot ng katawan sa pulang plastic.

--Ads--

Naunang inilarawan ang biktima bilang babaeng nasa edad 30 hanggang 35, na nakasuot ng sando at cycling short. Ayon sa ilang residente, may nakasulat umano sa plastik na ipinangbalot sa bangkay, na ngayon ay sinusuri bilang bahagi ng ebidensya.

Hinihinala ng pulisya na itinapon lamang sa Gamu ang bangkay ng biktima. Natagpuan naman sa bayan ng Naguilian, Isabela ang bag ni Carabbacan na naglalaman ng sirang damit at ID nito.

Agad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng PNP Gamu, kasama ang Isabela Provincial Forensic Unit para sa pagproseso ng pinangyarihan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa karumal-dumal na sinapit ng babae upang matukoy at madakip ang suspek o mga suspek sa krimen, kabilang ang pagsusuri sa mga kuha ng CCTV sa mga kalapit na lugar.