CAUAYAN CITY- Nahihiwagahan at naguguluhan ang mga magulang at kamag-anak ng isang apat na taong gulang na batang babae inilibing at hinukay makaraang preskong presko pa rin at hindi tumigas ang katawan.
Ang batang si Jenny Rose Jacinto , 4 anyos, ay bunsong anak nina Gina at Jimmy Jacinto, 47 anyos, Kapwa residente ng San Ignacio, Ilagan City.
Ang bata ay nilagnat ng dalawang araw at dinala sa pagamutan noong araw ng Lunes subalit binawian ng buhay noong Miyerkoles sa ospital.
Nilamayan ng tatlong gabi ang bata at dahil hindi nabalsamo ay inilibing noong araw ng Biyernes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Gng. Mercedes Baquiran, 65 anyos, tiyahin ng bata na sinabi umano ng isang Quack doctor o albularyo sa ama ng bata na buhay ang kanyang anak kaya’t kanilang binuksan ang kanyang nitso.
Nagtataka sila dahil noong ilabas ang bangkay ng bata ay preskong preskong tignan at hindi man lamang tumigas o naagnas ang katawan.
Sinabi pa ni Ginang Baquiran na tatlong beses na nagdumi at umihi ang bata sa kabila ng pagkakadeklara ng Manggagamot sa pagamutan na patay na.
Mismong ang Bombo Radyo Cauayan ang nagtungo sa nasabing lugar at nakitang sa kabila na ito na ang pang-apat na araw na namatay ang bata ay hindi pa rin tumitigas ang katawan nito bagamat hindi na humihinga.
Napansin naman ng Bombo Radyo Cauayan na nangingitim na rin ang noo ng bata maging ang daliri ng mga kamay at paa ay nangingitim na rin.
Sa ngayon ang bangkay ng bata ay nilalamayan sa bahay ng kanyang tiyahin na malapit lamang sa sementeryo.




