CAUAYAN CITY- Pagkaraan ng halos biente kuwatro oras na inilabas mula sa kanyang nitso ay muling inihimlay sa kanyang huling hantungan ang batang babaeng namatay noong nakaraang Miyerkoles dahil sa sakit sa Ilagan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, kaninang hapon ay muling inihimlay ang bata sa nitso na unang giniba ng kanyang ama upang patunayan kung tutoong buhay pa ang anak.
Una nang napaulat na ang batang si Jenny Rose Jacinto, 4 anyos, nasa kindergarten at residente ng purok 3, San Ignacio, Ilagan City ay dinala sa pagamutan makaraang nilagnat ngunit pagkaraan ng dalawang araw ay namatay ang bata kayat iniuwi na sa kanilang tahanan.
Dahil sa kahirapan ay hindi na bumili ng commercial na kabaong at hindi na pina-embalsamo ang bata at noong umaga ng Biyernes ay kanilang inilibing.
Ngunit mayroon umanong albularyo o quack doctor na pinagpipilitan at sinabi kay Ginoong Jimmy Jacinto, 47 anyos na buhay ang kanyang anak.
Dahil sa bugso ng damdamin at sa pagnanais na maibalik na buhay ang anak ay sinunod ni Jacinto ang sinabi ng mga albularyo na bakbakin ang nitso at ilabas ang kabaong ng bata.
Laking gulat umano nila nang mapansin na bagamat wala nang hininga ang bata ay kapansin-pansin na siriwa pa at malambot ang katawan ng paslit sa kabila na apat na araw nang patay.
Nauna na ring sinabi Ginang Mercedes Baquiran,65 anyos, tiyahin ng bata na habang nakahimlay ang bangkay ng pamangkin ay tatlong beses na nagdumi at umihi .
Sinabi naman ng ilang Doctor na normal lamang na malambot pa ang katawan ng bata dahil malambot din ang tissues o mga muscles ay hindi agad titigas.
Sa nakuhang impormasyon sa Governor Faustino N, Dy Memorial Hospital, malubha ang kalagayan ng bata ng isugod sa pagamutan at kanilang inilagay pa sa Intensive Care Unit hanggang sa opisyal na ihayag ng manggagamot na biniwian na ng buhay




