--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang bangkay ng estudiyanteng nalunod sa Daligan, Jones, Isabela noong Sabado ng hapon.

Ang biktima ay si Christine Joy Tangalin, 16 anyos, estudiyante at residente ng barangay Bantay, Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Florencio Molina Jr, ang deputy chief of police ng Jones Police Station, sinabi niya na natagpuan na ang bangkay ng biktima dakong alas kuwatro kahapon, 15 metro ang layo kung saan siya nahulog.

Aniya, nagtungo si Tangalin at kanyang ina sa Cagayan River na nasasakupan ng barangay Daligan upang maglaba ngunit nang pauwi na sila ay nadulas ang dalagita at nahulog sa malalim na bahagi ng ilog.

--Ads--

May mga tumulong sa paghahanap sa biktima subalit hindi agad natagpuan.

Ayon kay PLt Molina, nahirapan ang mga nagsagawa ng rescue dahil malabo ang tubig sa ilog bunsod ng mga pag-ulan.

Nasa 20 metro umano ang lalim ng bahagi ng Cagayan River kung saan nahulog at nalunod ang estudiyante.

Ayon pa kay PLt Molina, ipinabatid sa kanila ang pangyayari ng barangay kapitan ng Daligan, Jones na agad nilang tinugunan kasama ang Rescue team ng Jones, Isabela.

Pinayuhan din niya ang lahat na mag-ingat lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog.

Ang tinig ni PLt Florencio Molina