CAUAYAN CITY – Nakilala na ang bangkay ng isang lalakeng natagpuang palutang-lutang sa Ganano River sa barangay Ipil.
Kinumpirma ni Police Executive Master Sergeant Rodrigo Sacculles ng Santiago City Police Office o SCPO Station 4 na ang natagpuang bangkay ay ang kanyang kapatid na si Rio Sacculles, 46-anyos, helper at residente ng San Andres, Santiago City.
Kung matatandaan, isang concerned citizen ang nakakita sa bangkay ng biktima at iniulat sa Echague Police Station.
Sa pagtugon ng mga otoridad ay nakita ang bangkay ng isang lalake na nakalutang sa tubig at katuwang ang Echague Rescue Team ay nakuha ang bangkay.
Hinihinalang nalunod ang kaniyang kapatid dahil huli siyang nakitang nakaupo sa tabing ilog sa Barangay Mabini at hindi na nakita kinaumagahan gayunman ay isinailalim pa rin ito sa Autopsy.
Samantala, Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Rexter Saculles anak ng biktima sinabi niya na labis silang nalungkot sa pagpanaw ng kanilang ama.
Bago ang insidente ay umalis ang kaniyang ama sa kanilang bahay upang makipag-inuman sa Mabini, Lunsod ng Santiago ngunit hindi na nakauwi.
Isang kaklase niya ang nagpabatid sa kaniya sa natagpuang bangkay sa ilog sa Ipil, Echague Isabela at nakita na lamang niya ang labi ng ama sa isang punerarya sa Soyung, Echague, Isabela.
SAMANTALA, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Michael Esteban, hepe ng Echague Police Station na hinihintay pa nila ang resulta ng isinagawang autopsy sa katawan ng biktima para malaman ang dahilan ng kanyang pagkamatay gayunman batay sa physical examination sa biktima ay wala namang sugat na maaring dahilan ng kanyang pagkasawi.