CAUAYAN CITY – Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa ilog sa Wacal, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang natagpuang bangkay ay kinilalang si JUNILITO EDWIN SALVADOR, 69-anyos, may asawa, magsasaka, at nakatira sa Casat, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Isang residente ang nakakita sa bangkay ng lalaki at agad niya itong iniulat sa Solano Police Station.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang trahedya matapos makipag-inuman ang biktima sa kanyang half-brother.
Bandang alas-6 na ng gabi nang magpaalam siyang uuwi na sakay ng kanyang mountain bike.
Maaari umanong nawalan siya ng kontrol sa kanyang pagmamaneho dahilan ng pagbagsak nito sa concrete irrigation canal at posibleng tumama ang kanyang ulo sa concrete canal na naging sanhi ng kanyang pagkakalunod.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa panyayari.