--Ads--

Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa isang irigasyon na sakop ng Barangay Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Jose Tamang, Deputy Chief of Police ng San Mateo Police Station, sinabi niya na ang naturang bangkay ay  nakita ng isang residente na nagpapastol ng kambing. Ito ay nakasabit sa sanga ng kahoy na natumba sa irigasyon.

Agad naman niya itong ipinagbigay-alam sa kanilang Punong Barangay na siya namang nagpaabot ng impormasyon sa himpilan ng Pulisya.

Kaagad itong nirespondehan ng mga kapulisan katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng San Mateo. Pagkarating nila sa lugar ay naiahon na ng mga residente sa tubig ang naturang bangkay.

--Ads--

Hindi pa matukoy sa ngayon ang pagkakakilanlan ng biktima subalit mayroon itong tattoo na “steve” sa kaliwang braso, at hugis pusong tattoo sa kaliwang dibdib nito.

Nasa 5’6 ang tangkad, walang damit na pang-itaas, at nakasuot ng jersey shorts.

Batay sa pagtaya ng mga awtoridad, maaaring may katagalan na sa tubig sa bangkay dahil sa bloated na ito at malapit nang ma-decompose.

Nagpapatuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy kung ano sanhi ng pagkamatay ng biktima.