--Ads--

Matapos ang mahigit dalawang araw na paghahanap, natagpuan ng Search and Rescue (SAR) team ang bangkay ng isang 53-anyos na lalaki na tinangay ng rumaragasang tubig sa Barangay Sta. Clara, Aritao, Nueva Vizcaya noong Oktubre 3.

Sa kabila ng mataas na antas ng tubig, matiyagang sinuyod ng mga rescuer ang ilog na bumabagtas sa Aritao. Dakong alas-10 ng umaga kahapon, matagumpay nilang narekober ang bangkay ng magsasaka na sinubukang isalba ang kanyang alagang kalabaw mula sa baha.

Ayon kay Punong Barangay Ricardo Suguitan ng Sta. Clara kukunin sana nito ang kanyang kalabaw at dumaan siya sa daanang kawayan pero pinipigilan na siya ng asawa at ibang tao na huwag nang tumuloy at pabayaan na lang ang kalabaw. Aniya ayaw nitong makinig at nagpumilit na tumawid ngunit nabali ang kawayan na naging dahilan ng pagkahulog siya sa sapa.

Tinawag naman umano siya at agad nilang nirespondehan ngunit hindi na nila ito nakita.

--Ads--

May ilang residente naman ang nakakita sa kanyang inanod ng malakas na agos at sinubukan pa siyang sagipin, subalit hindi na ito naabutan. Samantala, nailigtas naman ng mga opisyal ang kalabaw ng biktima.

Tulong-tulong ang mga kawani ng PNP, BFP, MDRRMO, at lokal na pamahalaan sa isinagawang paghahanap hanggang sa matagpuan ang katawan ng biktima.

Sa ulat ng PSWD Nueva Vizcaya, umabot na sa 767 pamilya o 2,514 indibidwal ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan sa probinsya dahil sa pananalasa ng Bagyong Paolo, batay sa tala hanggang alas-2 ng madaling araw noong Oktubre 4.