--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan sa Cagayan River sa Naguilian, Isabela ng search and retrieval team ang bangkay ng lalaking tinangay ng malakas na agos ng tubig matapos mahulog sa overflow bridge sa Alicaocao, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Randy Bueno, commander ng Tactical Operations Group  2, Philippine Airforce (TOG2-PAF), sinabi niya na ang bangkay ng biktimang si Arnel Waña ng Union, Cauayan City ay nakitang palutang-lutang sa gitna ng Cagayan River sa Naguilian Isabela kahapon ng umaga.

Tinatayang nasa mahigit isang kilometro ang layo mula sa Naguilian bridge nang makita ng grupo ng TOG 2 ang bangkay ng biktima na nakadapa.

Agad na nakilala ang bangkay ni Waña ng mga kamag-anak na sumama sa search and retrieval operation.

--Ads--

Ayon kay Lt. Col. Bueno, nahirapan sila sa isinagawang search and retrieval operation dahil sa mga pag-ulan at malakas na agos ng tubig sa ilog.

Matatandaan na noong gabi ng Martes ay dadaan sana ang biktima na nakainom umano ng alak sa Alicaocao overflow bridge subalit nahulog sa ilog  nang matumba ang kanyang motorsiklo na idinaan niya sa gilid ng tulay.