CAUAYAN CITY – Nakilala na ang bangkay ng lalaking natagpuan sa Addalam River, Sitio Disirit, Barangay Addalam.
Ang bangkay ay nakilalang si Jose Albano Sacatrapos, animnapu’t siyam na taong gulang, magsasaka at residente ng Tupax, Jones, Isabela
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Felixberto Lelina ng Jones Police Station, kasama ni Joey Sacatrapos, anak ng biktima, ang kanyang mga tiyahin na sina Winnie Suip at Carlina Bajade na nagtungo sa kanilang himpilan upang tingnan ang bangkay na natagpuan sa ilog matapos nilang marinig sa Bombo Radyo Cauayan.
Sinamahan nila sa punerarya kung saan nakalagak ang biktima at kinilala ni Joey na ang kanyang ama na si Jose Sacatrapos ang natagpuang bangkay.
Batay sa salaysay ng anak, noong linggo ay umalis ang kanyang ama na hindi nagpapaalam at kinumpirma rin niya na may suliranin sa pag-iisip ang ama.
Hinanap nila ito ngunit hindi nila natagpuan hanggang sa mapakinggan sa Bombo Radyo Cauayan ang bangkay na natagpuan sa ilog.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives o SOCO na namatay sa pagkalunod ang biktima na pinaniwalaan din ng kanyang pamilya.