Isang 23-anyos na lalaki ang natagpuang patay ng palutang-lutang sa isang kanal ng irigasyon sa Barangay Pinoma, Cauayan City noong hapon ng Disyembre 25, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PTCOL. Avelino Canceran Jr, Chief of Police ng PNP Cauayan City, kinilala ang biktima na si Rodolfo Santos Jr., residente ng Barangay Nungnungan 1, at dakong alas-tres ng hapon nang mamataan ang bangkay sa bypass road ng barangay.
Agad na ipinaalam ang insidente sa mga opisyal ng Barangay Pinoma at karatig nitong Barangay Nungnungan upang alamin kung may naiulat na nawawalang tao. Agad din namang kinumpirma ng pamilya na ang natagpuang bangkay ay si Santos.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakipag-inuman umano ang biktima sa dalawang kamag-anak mula umaga ng Disyembrer 24 hanggang hatinggabi. Ayon sa mga nakasama niya, umuwi si Santos matapos ang inuman.
Wala pa umanong malinaw na indikasyon ng foul play sa ngayon. Wala ring nakitang palatandaan ng pananakit sa katawan ng biktima.
Gayunman, inirekomenda ng PNP sa pamilya ang autopsy upang matukoy ang tiyak na sanhi ng pagkamatay, na ayon sa pulisya ay pinapayagan ng pamilya. Tuloy-tuloypa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
Samantala, bilang paghahanda sa pagsalubong sa bagong taon, naka-deploy na ang mga pulis sa pangunahing kalsada, commercial establishments, at iba pang matataong lugar. Mayroon ding karagdagang puwersa ng PNP ang ipapadala sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
Nakipagtulungan na rin ang PNP sa barangay officials, kabilang ang regular inspeksiyon sa mga designated areas para sa mga nagbebenta ng paputok. Sa ngayon, sumusunod ang mga nagtitinda nito alinsunod sa permit na ibinigay.











