--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan ng 86th Infantry Battalion Philippine Army ang  bangkay ng isang lider ng rebelde sa Dingading,San Guillermo, Isabela.

Una rito ay nagkaroon ng engkwentro ang tropa ng 86th IB, PA at mga kasapi ng CPP-NPA sa barangay San Mariano Sur San Guillermo, isabela noong March 15, 2021 at pinaniwalaang may mga nasugatang rebelde dahil sa mga bakas ng dugo sa pinangyarihan ng sagupaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na sa pagsasagawa ng hot pursuit operation at sa tulong ng mga mamamayan ay natagpuan ang isang bagong hukay sa Barangay Dingading kung saan inilibing ang napatay na lider ng mga rebelde.

Sa pamamagitan ng isang dating rebelde ay nakilala ang bangkay na si Ka Yuni, ang pinakamataas na kumander ng NPA sa Cagayan Valley.

--Ads--

Siya ang lider ng Regional Operations Command ng Regional Centro de Gravidad.

Ayon sa ga dating  rebelde, siya ang pinaka-notorious dahil siya ang namuno sa pag-atake sa isan mining firm sa Dinapigue, Isabela noong Oktubre 2015 at sa pag-atake sa Maddela Police Station noong Abril 2017.

Ipinadala siya sa Cagayan Valley mula sa Mindanao upang buhayin ang kilusan sa pamamagitan ng Front Committee sa Quirino-Nueva Vizcaya.

Ayon kay Major Dulawan, patuloy ang paghina ng puwersa ng mga rebelde dahil sa pagtutulungan ng tropa ng pamahalaan at mga mamamayan at ang pagsuko na ng maraming kasapi ng NPA.

Muling nanawagan ang pamunuan ng 5th ID sa mga natitira pang rebelde sa kabundukan na sumuko na sa pamahalaan at itigil na ang walang kabuluhang pakikibaka.

Ang bahagi ng pahayag ni Army Major Jekyll Dulawan.