
CAUAYAN CITY – Naipasakamay na sa kanyang pamilya ang bangkay ng isang miyembro ng New Peoples Army (NPA) na nahukay ng mga kasapi ng 77th Infantry Battalion at PNP noong May 1, 2022 sa Sitio Aboli, Brgy. Aridoen, Sta. Teresita, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt.Col. Magtangol Panopio, Commanding Officer ng 77th IB, kinilala niya ang bangkay na si Michael Edillo, alyas Mareg, 23-anyos, residente ng Bunugan, Baggao, Cagayan, isang Medical Officer at Pambansang Demokratikong Paaralan (PADEPA) Instructor ng East Front Committee ng Henry Abraham Command, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Siya ay inilibing ng kanyang mga kasama sa nasabing lugar.
Napatay si alyas Mareg sa engkwentro sa pagitan ng militar at ng Communist Terrorist Group sa Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan noong September 22, 2021 at kasamang namatay sa naturang engkwentro ang limang kadre at miyembro ng rebeldeng pangkat.
Ayon kay Lt.Col. Panopio naipasakamay na ang bangkay ni Alyas Mareg sa kanyang pamilya at mabibigyan na nang maayos na libing sa tulong ng pamahalaang lokal ng Baggao, Cagayan.
Ang mga dating rebelde na sina Lawin at Lee ang nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng bangkay ni alyas Mareg.
Ginabayan nila ang tropa ng pamahalaan para mahukay ang bangkay ni Alyas Mareg sa bulubunduking bahagi ng Sta. Teresita,
Nanawagan si Lt. Col. Panopio sa mga natitirang rebelde na sumuko na sa pamahalaan upang matulungan sila na makapag-bagong buhay.










