CAUAYAN CITY – Patay matapos pagbabarilin ang isang Bangladeshi National habang pauwi sakay ng kolong-kolong kasama ang kanyang driver sa Tandul, Cabatuan, Isabela.
Ang Bangladeshi na si Mahbub Allam, 37 anyos, naninirahan sa Barangay Tandul, Cabatuan, Isabela ay nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cabatuan Police Station, si Allam lamang ang pinagbabaril ng suspek dahil walang tinamong tama ng bala ang tsuper ng kolong-kolong na si Villamor De Jose.
Ang Bangladeshi national ay galing sa paniningil sa kanyang pautang nang tambangan ng mga hindi nakilalang suspek.
Ayon sa PNP Cabatuan, holdap ang nakikitang motibo sa naturang pamamaril at tinangay din umano ng mga salarin ang sling bag ng biktima.




