--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni Gng. Placida Hernandez na may banta sa buhay ang pinatay na mister na si dating Liga ng mga Barangay Federation President Napoleon Hernandez.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tumira siya sa Echague, Isabela ng mahigit dalawang taon nang alukin siya ni dating Gov. Faustino “Bojie” Dy III na alalayan ang anak na si Mayor Kiko Dy ng Echague.

Bumalik aniya sa San Mateo ang kanyang mister noong panahon ng kampanya sa nakaraang halalan dahil tumakbo siyang konsehal at tumulong din sa kampanya ni Mayor Gregorio Pua.

Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Hernandez na mayroon silang pinaghihinalaang utak sa krimen ngunit mahirap pang magsalita dahil wala pa silang ebidensiya na magtuturo sa kanya.

--Ads--

Matindi ang pighating nararamdaman ni Gng. Hernandez dahil mabait at matulungin ang kanyang asawa ngunit parang manok na pinatay ng mga salarin.

Ayon kay Gng. Placida Hernandez, hindi nila napansin na may sumusunod sa kanila na motorsiklo dahil bukod sa mabagal ang pagpapatakbo ng kanyang kotse ay nagkukuwentuhan silang mag-asawa.

Saka lamang nila napansin na may bumaril sa kanilang sasakyan nang mayroon silang narinig na putok at sinabi ng kanyang mister na may bumabaril sa kanila at mayroon siyang tama.

Ayon kay Gng. Hernandez, nakita niya ang riding-in-tandem na dumaan sa harapan ng kanilang sasakyan.

Nakita rin niya ang mga suspek na bumuwelta at babalik sana para tiyakin na mapatay ang kanyang mister ngunit hindi sila nakabuwelta dahil may mga dumating nang sasakyan kaya umalis na ang mga suspek patungong bayan.

May mga tumawag ng tulong sa pulisya kaya agad silang nakarating sa pinangyarihan ng pamamaril.

Ayon kay Gng. Hernandez, iisa ang kanilang suspek na utak sa krimen dahil siya ang nakaalitan ng kanyang mister.

Inamin din niya na maaaring may kinalaman ang pagpatay sa kanyang mister ang pagtalaga sa kanya bilang municipal administrator ng San Mateo, Isabela.

Ang tinig ni Gng. Placida Hernandez