CAUAYAN CITY – Isang grupo ng mga kabataang mag-aaral mula isang pribadong paaralan ang nagbibigay pagkain sa mga palaboy at namamalimos sa Cauayan City.
Sina Lex Cedric Narag Aquino, Princess Tummy Aquino Dumelod, Princess Lyka Rafael Sabiano at Ana Marie Alcaraz Rumbaoa, pawang nasa Senior High School at residente ng Cauayan City ay namamahagi ng mga pagkain sa mga palaboy sa daan.
Sinabi ng apat na mga mag-aaral na kanila ginagawa ang pagtulong upang maibsan ang nararamdamang kahirapan ng kanilang mga tinutulungan.
Kinukuha ng mga mag-aaral sa kanilang baon ang pinambibili ng mga pagkain na ibinabahagi sa mga palaboy.
Ilan lamang sa pagkain na kanilang ibinabahagi ay tinapay at juice.
Pangunahin nilang binibigyan ng mga pagkain ay mga palaboy o namamalimos sa daan.
Nagsimula pa noong nakaraang taon ang kanilang ginagawang pagtulong.
Alam aniya nilang matutuwa ang Panginoon sa kanilang ginagawang pagtulong at nagiging magaan ang kanilang pakiramdam.
Hinikayat nila ang mga kapwa kabataan na tumulong sa mga kapuspalad kahit sa simpleng bagay lamang.
Inihayag pa ng mga nasabing mag-aaral na tuloy tuloy nila itong gagawin kahit pa nakatapos na sila ng kanilang pag-aaral.




