--Ads--

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril at pagpatay kay Barangay Chairman Cesar Asuncion ng Barangay San Isidro Laur, Nueva Ecija  na posibleng may kaugnayan umano sa pulitika.

Sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima mula sa Barangay Hall nang pagbabarilin ng rinding in tandem.

Ayon kay Col. Heryl Bruno, Provincial Director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, tinutukoy na ng mga imbestigador ang motibo sa krimen at pinaghahanap na ang suspek sa pagbaril kay Asuncion.

Nagtamo umano ang biktima ng apat na tama ng bala sa ulo.

--Ads--

Ayon pa kay Col. Bruno inaalam na nila lahat ng posibleng lead upang matukoy at maaresto ang suspek.

Isinasaalang-alang na rin ng awtoridad ang lahat ng anggulo kabilang ang posibleng political motive upang tuluyang maresolba ang kaso.

Humihingi naman ng hustisya ang pamilya ng biktima na labis na nagdadalamhati sa sinapit ng mahal sa buhay.

Si Asuncion ang ikalawang barangay chairman na napatay sa lalawigan ng Nueva Ecija matapos ang May 12, 2025 midterm elections.

Nauna nang binawian ng buhay si Joel Damacio kapitan ng Barangay Calipahan sa bayan ng Talavera na pinagbabaril noong buwan ng Hunyo.

Patuloy ang panawagan ng publiko para sa hustisya at mas pinaigting na seguridad sa mga lokal na opisyal sa lalawigan.