CAUAYAN CITY- May Kaugnayan sa negosyo ang pangunahing sinisiyasat ng mga kasapi ng Echague Police Station sa pagbaril patay sa isang barangay kagawad ng Angadanan, Isabela sa Tuguegarao,Echague, Isabela
Ang biktima ay si Brgy Kag. Fernando Marinay ng Aniog, Angadanan, Isabela, 46 anyos at isang negosyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Insp. Ruben Martines, hepe ng Echague Police Station na batay sa kanilang isinagawang follow-up operation, maaaring may kaugnayan sa kanyang negosyo ang pagpaslang sa barangay kagawad.
Nakita rin sa message sa cellphone ng biktima na naniningil ng kanyang mga pautang dahil mayroong siyang pinapaupahang mga trailer truck.
Kapag naniningil anya ang biktima ay medyo mataas ang boses.
Sinabi pa ni Chief Insp. Martinez na ang barangay kagawad ay inabangan sa sabungan at maaaring sinabayan ng suspek patungo sa kanyang sasakyan kung saan siya binaril.
Malapitan na binaril ng suspek sa likurang bahagi ng ulo ang biktima na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Batay sa kanilang pagsisiyasat mayroong nagsabi na sakay ng SUV na di matukoy na kulay at plaka ang mga suspek.
Nanawagan pa ang hepe ng pulisya sa mga mamamayan na makipagtulungan para sa ikalulutas ng kaso ng pagpatay sa barangay kagawad ng Angadanan, Isabela.




