CAUAYAN CITY – Patay ang isang barangay kagawad habang tatlo ang sugatan sa nangyaring karambola ng tatlong motorsiklo sa Bugallon Proper, Ramon, Isabela.
Ang namatay ay si Edgar Britonda, apatnapong taong gulang at residente sa barangay Pabil Ramon, Isabela habang sugatan ang tatlong iba pa na nakilalang sina Jay-ar Manuel Jr., Vincent Sanoras at William Ambrocio.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Jose Cristobal, Executive Assistant for Disaster Risk Reduction Management, sinabi niya na unang sumalpok ang motorsiklong minamaneho ng barangay kagawad sa dalawang motorsiklo.
Tiwala siya na human error ang sanhi ng aksidente na nauwi sa pagkamatay ni Britonda at pagkakasugat ng dalawang iba pa.
Paliwanag pa ni Ginoong Cristobal, critical area ang pinangyarihan ng insidente dahil kadalasan ay ginagawa itong karerahan ng ilang motorista.




