CAUAYAN CITY – Nakatanggap umano ng pagbabanta sa buhay matapos na ipatigil ang illegal logging sa kanilang lugar ang barangay kapitan na napatay sa pananambang kagabi sa Bagabag, Sto. Tomas, Isabela.
Napatay sa pananambang si Barangay kapitan Manuel Ramento ng Bubug, Sto. Tomas, Isabela, 40 anyos habang nasugatan si barangay kagawad May Glenn Padre na nagmaneho sa sasakyan.
Nasugatan naman sa kaliwang paa ang 6 anyos na batang babae habang mapalad na walang sugat ang kanyang ina na si Noimi Gumtang, 26 anyos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt Mariano Manalo, hepe ng Sto. Tomas Police Station na pangunahin nilang tinututukan sa kanilang imbestigasyon ang natanggap na pagbabanta sa buhay ni Kapitan Ramento.
Iniimbestigahan din nila ang iba pang anggulo para matukoy ang mga salarin at motibo sa krimen.
Nakuha ng Scene of the Crime Operatives (Soco) sa pinangyarihan ng pananambang ang 32 na basyo ng bala ng M16 Armalite rifle.
Susuriin ng mga imbestigador ang mga text messages ng dalawang cellphone ni Kapitan Ramento para magkaroon sila ng gabay sa pagsisiyasat sa pagpatay sa kanya.