CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kasong direct assault ang isang welder matapos sapakin sa isang kasalan ang barangay kapitan ng Labinab Grande, Reina Mercedes, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula kay P/Sr. Insp. Bruno Palattao, hepe ng Reina Mercedes Police Station, isinampa na kahapon ang kaso laban sa suspek na si Melvin Respicio, 54 anyos at residente sa nasabing lugar.
Makakalaya lamang si Respicio kapag nakapaglagak ng 14,000 pesos na piyansa.
Ayon pa kay Sr. Insp. Palattao, hindi na nagsampa ng kaso ang may-ari ng bahay kung saan siya nanggulo at naganap ang pananapak kay Barangay. Kapitan Rodrigo Pascual, 54 anyos.
Tiniyak pa ng hepe na susubaybayan nila si Respicio kapag nakapaglagak ng piyansa dahil kabilang siya sa kanilang drug watchlist.
Maalala na tumugon ang barangay kapitan dahil nanggugulo sa isang kasalan si Respicio habang nasa impluwensiya ng alak.
Sa halip na magpaawat ay patuloy sa pagwawala si Respicio at nasuntok nito nang ilang beses si Kapitan Pascual.
Una nang kinumpirma ni Pascual na nasangkot na si Respicio sa ilang kaguluhan sa kanilang barangay.