CAUAYAN CITY- Ginawaran ng pagkilala ng Malakanyang ang pagkahilig sa pag-aalaga ng hayop ng isang magsasaka sa Isabela.
Si Barangay Kapitan Willy Britanico ng Saranay, Cabatuan Isabela ay kinilala bilang National Awardee ng Gawad Saka Award sa kategoryang Small Animal Raiser.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Barangay Kapitan Britanico na nakita ng Department of Agriculture (DA) Cabatuan ang pagkahilig niya sa pag-aalaga.
Anya marami umano siyang alagang kambing, tupa, native na baboy, pato, itik, ganso, pabo at baka.
Nagsimula sa lima ang mga alagang kambing na ngayon ay nasa isang daan na.
Dahil dito hinikayat ng DA Cabatuan na isama si Punong Barangay Britanico sa naturang kompetisyon.
Ayon pa kay Britanico, bahagi ang kanyang pag-aalaga ng hayop sa integrated farming kung saan mayroon din siyang fishpond, maisan at gulayan.
Sinabi din niya na pawang mga native ang kanyang mga ina-aalagaang hayop.
Una nang nanalo si Britanico sa provicial level at regional level bago niya nakamit ang national level na pagkilala kung saan nabigyan din siya ng Cash Insentives.
Kaugnay nito tumutulong din si Britanico sa kanyang mga kabarangay na gusto ring mag- alaga ng hayop.




