
CAUAYAN CITY – Itinanggi ng Barangay Kapitan ng Salvador, Santiago City ang paratang na pagharang niya sa distribusyon ng ayuda sa mga miyembro ng TODA na mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Pinandigan sa Bombo Radyo Cauayan ni Barangay Kapitan Sammy Sarmiento na paninira lamang at walang katotohanan ang paratang laban sa kanya.
Naniniwala siya na nagmula ang maling impormasyon sa hindi nila pagkakaunawaan ng isang kandidato sa lunsod dahil sa paggamit nila sa kanilang community center sa kabila ng may isinasagawang vaccination program.
Ipinaliwanag niya na wala siyang direktang kontrol sa ayudang ipinagkakaloob ng DOLE para sa mga tsuper ng tricycle.
Wala rin siyang kakayahan na mag-alis ng mga pangalan sa talaan at lalong hindi namemeke ng lagda ng mga miyembro ng TODA sa barangay Salvador.
Wala rin siyang sinusuportahang kandidato dahil alam niyang non-partisan ang mga opisyal ng barangay sa larangan ng pulitika.
Nakahanda naman niyang suportahan ang sino mang mananalo sa darating na halalan.
Inihayag pa ng Punong Barangay na maaring maghain siya ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya.










