CAUAYAN CITY – Inamin ni Punong Barangay Nestor Lorenzo ng San Pablo, San Mariano, Isabela na ang dumptruck na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang barangay ay inarkila ng kanyang anak na pinagsakyan ng mga saging na ibiniyahe sa Angeles, Pampanga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Kapitan Lorenzo na apat na linggo at apat na beses ding inarkila ng kanyang anak ang dumptruck at bawat biyahe ay nirerentahan ng P4,000.
Sa kabuuan ay mayroon nang P16,000 renta ang drumptruck na naibigay ng kanyang anak sa kanilang barangay.
Nilinaw ni Punong Barangay Lorenzo na ang kanilang dumptruck ay nakatengga lamang sa kanilang barangay at hindi kumikita dahil walang umaarkila.
Bagamat mayroong forward na sasakyan ang kanyang anak ay nagkulang sa pinagsakyan ng mga saging kaya kanyang nirentahan ang drumptruck ng barangay.
Mayroon aniyang logbook ang barangay kung saan isinusulat ang mga nagrerenta ng sasakyan ng barangay at ang renta ay hinahawakan ng kanilang Barangay Treasurer.
Inamin din ni Punong Barangay Lorenzo na mayroon siyang kabarangay na nais humiram ng dumptruck ng kanilang barangay ngunit hindi nito pinagbigyan dahil ang nais ng manghiram ay libre at maging ang pang-gasolina.
Pinabulaanan din nito na pinaparenta nila sa ibang bayan ang dumptruck ng kanilang barangay.
Nanawagan siya sa mga nais humiram o magrenta ng sasakyan ng kanilang barangay na makipag-usap sa kanya dahil hindi naman siya mahirap kausap.
Ang kita anya ng kanilang dumptruck ay iipunin ng kanilang barangay para sa maintenance ng nasabing sasakyan at kung may emergency sa kanilang barangay.
Sa ngayon ay mayroon nang P17,500 na kita ang kanilang barangay Dumptruck.
Samantala, inihayag ni Liga ng mga Barangay President Eduardo Viernes na noong ibinigay sa mga barangay ang naturang mga dumptruck ay binigyang diin ng pamahalaang Panlalawigan na ito ay gagamitin para sa kapakanan at ikabubuti ng kanilang kabarangay.
Ito ang dahilan kung bakit ang dumptruck ay nagagamit ng libre kapag mayroong emergency tulad ng maysakit na itinatakbo sa ospital o sinusundo sa mga pagamutan.
Kinakailangan din anyang kumita ang mga dumptruck na ipinagkakaloob sa mga barangay kaya kanila itong pinaparentahan ng minimal lamang na aabot sa P500 kung saan ibibigay ang P100 sa driver at pahinante habang ang P300 ay para sa barangay.
Batay sa auditing ay mayroon nang kitang P65,000 ang mga dumptruck ng barangay na ipinambibili ng gulong, change oil at pang-krudo.
Noong nagpulong anya ang mga punong Barangay ay kanyang pinaalalahanan ang mga barangay kapitan na huwag gamitin ang mga dumptruck na pang-karga ng mga iligal tulad ng mga kahoy.
Ang mga dumptruck ay nakalaang pagkargahan ng mga produktong saging, mais at palay subalit mayroong katumbas na minimal rent para may magamit sa maintenance ng sasakyan.
Maari din anyang gamiting pampasada ngunit minimal lamang ang pamasahe para mayroong kita at magamit na maintenance.
Kinakailangan anyang mayroong logbook na listahan ng mga kita ng dumptruck upang matukoy kung magkano ang kita ng kanilang Dumptruck.
Naniniwala naman siya na pinepersonal lamang si Punong Barangay Lorenzo ng barangay San Pablo ng mga nagsusumbong ukol sa paggamit ng kanilang dumptruck.