CAUAYAN CITY – Patay ang isang barangay kapitan, nasugatan ang isang barangay kagawad at isang bata matapos pagbabarilin dakong 11:36 kagabi ang sinasakyan nilang van sa Bagabag, Sto. Tomas, Isabela.
Ang namatay ay si Barangay Kapitan Manuel Ramento, 40 anyos ng Bubug, Sto. Tomas, Isabela.
Nasugatan ang nagmaneho sa sasakyan na si Barangay Kagawad May Glenn Padre at si Althea Nicole Gumtang, 6 anyos, pawang residente Bubug, Sto Tomas, Isabela.
Mapalad na hindi nasugatan ang anak ng bata na si Noimi Gumtang, 26 anyos.
Hindi pa nakilala ang mga suspek na nagsagawa ng pananambang sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. Mariano Manalo, hepe ng Sto. Tomas Police Station na ang mga biktima ay galing sa Centro, Sto. Tomas, Isabela pauwi sa Bubug, Sto. Tomas, nang pagbabarilin sila ng mga suspek na sumulpot mula sa maisan.
Sina Barangay Kapitan Ramento at Barangay Kagawad Padre ay nagtamo ng mga tama ng baril sa kanilang katawan.
Ang batang si Althea Gumtang ay nagtamo ng sugat sa kanyang kaliwang paa.
Ang mga biktima ay dinala sa Milagros District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Kapitan Ramento dahil sa maraming tama ng bala sa kanyang katawan.
Si Kagawad Padre ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Patuloy ang imbestigasyon Sto. Tomas Police Station sa pananambang sa mga biktima.