
CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang barangay kapitan at dalawang anak matapos na makumpiska ang maraming baril at bala sa pagsisilbi ng mga pulis ng search warrant sa kanilang bahay sa Buyon, Cauayan City.
Ang dinakip ay sina Barangay Kapitan Jessie Eder Sr., 61 anyos, anak na sina Jessie Eder Jr., may-asawa at magsasaka at isa pang anak na si Rogue Eder, binata, pawang residente ng Buyon, Cauayan City.
Sila ay sasampahan ng mga kasong sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa RA 9516 o Unlawful Manufacture, Sales, Acquisition, Disposition, Importation or Possession of an Explosive or Incendiary Device
Isinilbi ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station, PNP Special Action Force, Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), Provincial Intelligence and Detective Management Unit, 2nd Provincial Mobile Force Company, RSCG at Regional Intelligence Unit 2 ang search warrant na ipinalabas ni Judge Reymundo Aumentado, Executive Judge ng Cauayan City Regional Trial Court Branch 20 dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 at RA 9516.
Nasamsam sa mga suspek ang tatlong Caliber 45, apat na magazine ng Caliber 45, isang improvised caliber 22, isang 12-gauge shotgun, dalawang improvised shotgun, dalawang sling bag, apat na bala ng 12-gauge shotgun, isang empty magazine ng M16 rifle, isang grenade launcher, isang hand granade; isang black holster, 17 bala ng Caliber 45, 10 bala ng Caliber 38 revolver, apat na bala ng 12-gauge shotgun, isang bala ng Caliber 38, isang Caliber 38 revolver at 35 bala ng M14 rifle.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na patuloy ang kanilang malalimang imbestigasyon para malaman kug paano nagkaroon ng maraming baril at bala ang mag-aamang Eder.
Ayon pa kay PLt Col Cuntapay, hindi normal na magtago ng maraming baril at bala na hindi lisensiyado.




