--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ni Barangay Kapitan Saturnino Aggarao Jr. ng Minante 2, Cauayan City ang paratang na pamimili sa ilang kamag-anak ng kanyang barangay Kagawad para makatanggap ng ayuda.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Aggarao sinabi niya na nagkaton lamang na napabilang at kwalipikadong makatanggap ng ayuda ang kamag-anak ng inirereklamong barangay Kagawad na si Lalaine Arcega.

Aniya, una ng nagtungo sa kanilang tanggapan ang mga nagrereklamong residente dahil sa favoritism sa pagpili ng mga mabibigyan ng ayuda gayunman una na rin umano niyang ipinaliwanag na walang naganap na pamimili at favoritism dahil ang Cauayan City Green Ladies Organization ang pumili sa mga benipisaryo.

Giit niya na sinisiguro nilang poorest of the poor ang kanilang nabibigyan ng ayuda at istrikto rin sila sa ibinababang listahan.

--Ads--

Panawagan niya sa mga kabarangay na maging matiyaga at maghintay dahil lahat ay sinisikap nilang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Tinig ni Barangay Kapitan Saturnino Aggarao Jr.

Depensa naman ng inirereklamong barangay kagawad na kusang nagtungo sa kanilang tanggapan ang ilan sa kanilang kamag-anak para magpalista sa isang kooperatiba kung saan sila umano ay kwalipikado. 

Aniya, nang magtungo ang mga tauhan ng Cauayan City Green Ladies Organization sa barangay Minante Dos upang magbigay ng cash assistance ay hindi niya alam na ilan pala sa kanyang mga kamag-anak ang napabilang sa listahan.

Ayon sa kanya, hindi naman lahat ng napabilang ay kamag-anak niya dahil may ibang residente rin na nabigyan.

Wala ring ideya si Kagawad Arcega kung paano ang naging proseso sa pagpili sa mga benepisaryo.

Tinig ni Barangay Kagawad Lalaine Arcega.

Matatandaang inireklamo ng ilang mga residente ng barangay Minante Dos ang umanoy pagkakasali sa mga tumanggap ng ayuda mula sa pamahalaan  ang ilang kaanak ng isang barangay Kagawad at ibang Barangay Health workers.

inihayag ni Ginang Raquel Ramos na tumanggap ng P4,500 noong May 16 ang ilan sa mga kamag-anak ng barangay Kagawad mula sa Cauayan City Green Ladies Organization na isang organisasyon ng mga kababaihan.

Ang naturang ayuda ay hindi inihayag sa barangay at tanging mga Barangay Health Workers lamang ang mga nakatanggap maging ang kanilang mga kamag-anak partikular ang mga kamag-anak ni Kagawad Lalaine Arcega.

Tinig ni Ginang Raquel Ramos.

Inihayag naman ni Ginang Annabelle Bello na kung maaari ay ibigay sa karapat-dapat at sana ay hindi lamang piliin ang malalapit na kamag-anak pagdating sa pagbibigay ng ayuda dahil maging siya mismo na miyembro ay hindi nakatanggap ng naturang tulong pinansyal.

Tinig ni Ginang Annabelle Bello.