CAUAYAN CITY- Full force na ang mga Brgy. Officials mula sa West Tabacal Region upang maidulog sa lokal na pamahalaan ang problema sa kanilang lubak na daan.
Ito ay matapos makatanggap ng samot saring pambabatikos ang mga opisyal ng Barangay Labinab matapos mag trending sa social media ang post tungkol sa sira sirang daan sa kanilang nasasakupan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Kap. Juanito Estrada, Punong Barangay ng Labinab, sinabi niya na hindi lamang sila nababatikos sa social media kundi maging sa personal na rin.
Matatandaan kasi aniya na bago mag pandemya taong 2019 nang simulang mapakinabangan ang daan subalit dalawang taon lamang ang nakalipas ay nagsimula na rin itong masira.
Tinatayang hindi bababa sa 500 meters ang haba ng lubak na daan sa kanilang nasasakupan dahilan kung bakit nag rereklamo at sinisisi ang mga opisyal ng Barangay.
Kaugnay nito ay buong pwersa na aniyang dumudulog ang mga opisyal ng 11-barangays upang mas mabilis na mapakinggan ng kinauukulan ang kanilang kahilingan.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Engineer Lorenzo, City Engineering Officer ng Cauayan City, sinabi niya na noong nakaraang taon pa naidulog sa kanila ang hinaing ng mga taga West Tabacal kaya naman naka plano na umano itong maayos ngayong 2025.
Napag-usapan na rin umano ito ng ilang beses ngunit kinakailangan nilang i konsidera ang maulang panahon bago simulan ang mga proyekto upang hindi mamadali at lalong masira ang mga daan.