
CAUAYAN CITY – Pansamantalang isinailalim sa lockdown ang Bagong Sikat, Naguilian, Isabela matapos na maitala ang kauna-unahang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Juan Capuchino ng Naguilian, isabela, sinabi niya na isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang kauna-unahang nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang bayan.
Ang COVID-19 positive patient ay isang 42 anyos na lalaking OFW na dumating sa Pilipinas mula Saudi Arabia noong June 11, 2020 at nakauwi sa bayan ng Naguilian noong June 15, 2020.
Nakasalamuha ng OFW si CV45 na kasabay niyang umuwi sa Isabela sakay ng bus na inarkila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Mayor Capuchino, unang nagnegatibo sa COVID-19 test ang OFW kaya isinailalim lamang siya sa strict home quarantine.
Nang malaman ng pamahalaang lokal ng Naguilian na nagpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga nakasabayan ng OFW sa OWWA bus ay dinala siya sa isolation facility.
Muling sinailalim sa swab test at lumabas na positibo siya sa COVID-19 bagamat wala siyang nararamdamang sintomas o asymptomatic.
Gayunman, mananatili ang lockdown sa barangay Bagong Sikat habang isinasagawa ang contact tracing ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) katuwang ang Department of the Interior and Locl Government (DILG), Philippine National Police (PNP), pamahalaang panlalawigan at lokal na pamahalaan ng Naguilian, Isabela para agad na matukoy ang mga nakahalubilo ng COVID-19 patient.
Nakiusap si Mayor Capuchino sa kanyang mga kababayan na makipagtulungan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa mga guidelines tulad ng pagsusuot ng face mask, pagsunod sa social distancing at palaging maghugas ng mga kamay.




