--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Ramon Police Station sa pagkamatay ng isang barangay tanod na natagpuang wala nang buhay sa bukid sa Oscariz, Ramon, Isabela.

Ang biktima ay si Marlon Valencia, 47 anyos, barangay tanod ng Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.

Natagpuan ang kanyang katawan na may mga sugat sa palayan sa Oscariz, Ramon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Barangay Kapitan Amado Galutan ng Sinamar Sur, San Mateo, Isabela na napag-alaman niya mula sa mga kapamilya ni Valencia na nagtungo siya kahapon sa Purok 3, Oscariz, Ramon para ilipat ang kanyang kalabaw.

--Ads--

Hindi na nakauwi si Valencia at dakong alas sais ng umaga ng June 3, 2020 ay natagpuan ang duguan niyang bangkay.

Pinaniniwalang sinuwag ng kalabaw si Valencia dahil may mga bakas ng dugo ang sungay ng kanyang kalabaw.

Inilarawan ni Barangay Kapitan Galutan si Barangay Tanod Marlon Valencia na mabait at masipag.