--Ads--

CAUAYAN CITY- Patay ang isang barangay tanod matapos pagsasaksakin ng kaniyang mga pamangkin sa Brgy. Marasat Pequeno, San Mateo Isabela.

Ang nasawi ay kinilalang si Marlon Anghel, limamput isang taong gulang  habang ang magkapatid na suspek ay ang kambal na sina Norman Cabang at Ceasar Cabang kapwa bente anyos at  pawang residente ng nabanggit na lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. Clemente Caronan Jr., imbestigador ng San Mateo Police Station sinabi niya na sinuntok umano ng magkapatid ang kanilang lola dahilan kaya’t tumawag ng tanod ang kanilang tatay para sumaklolo.

Agad namang rumesponde ang brgy tanod na biktima na kamag-anak din ng mga suspek ngunit sinuntok umano siya ni Norman at pinagsasaksak naman ito ng isa pang suspek gamit ang isang kutsilyo.

--Ads--

Isinugod naman sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.

Nagtamo ang biktima ng dalawang saksak sa kaniyang likod, dalawa sa balikat at isa sa tagiliran.

Ayon pa kay PSSg. Carononan, nag-ugat ang insidente sa pag-awat ng lola sa mga suspek na tumigil na sa pag-inom ng alak dahil lasing na ang mga ito.

Ayon umano sa mga suspek, dala lang ng kalasingan kaya nila nagawa ang krimen at labis naman ngayon ang kanilang pagsisisi.

Samantala, ikinalungkot naman ng kanilang hanay ang sinapit ng kanilang force multiplier kaya’t pinaalalahanan niya ang mga brgy. tanod na magdala ng baton para may magamit na pangdepensa kapag rumeresponde sa mga ganitong klase ng insidente.