CAUAYAN CITY – Nasa malubhang kalagayan ang isang barbero matapos pagbabarilin dakong 6:45 kagabi ng hindi pa nakilalang suspek sa tapat ng kanyang barbershop sa Malvar, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), ang biktima ay si Roderick Vilalon, 39 anyos, may-asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Inilarawan ng mga nakakita sa pamamaril na ang suspek ay nakasuot ng itim na helmet, green na jacket na may halong kulay itim at maong na pantalon.
Sa paunang imbestigasyon ng Station 1, pumarada sa tapat ng barbershop ang suspek at hindi pinatay ang makina ng kanyang motorsiklo.
Dahil sa malakas na ulan, lumabas si Vilalon para ilipat ang kanyang motorsiklo mula sa tapat ng barbershop nang lapitan ng suspek, pinagbabaril at agad na tumakas.
Agad na itinakbo ng isang concerned citizen si Vilalon sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Natagpuan ng mga pulis sa crime scene ang dalawang basyo ng bala.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga pulis sa naganap na pamamaril kay Vilalon para matukoy ang suspek at kung ano ang motibo sa krimen.












