CAUAYAN CITY – Lumabas sa isinagawang pagsisiyasat ng Ilagan City Police Station na ang baril na nakuha sa nadakip na isang lider ng NPA ay pag-aari ng isang pulis na kasapi ng Abulug Police Station
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Supt. Rafael Pagalilawan, hepe ng Ilagan City Police Station na ang nabawi kay Mauricio Sagun, alyas Ka Johnny at Ka Raul na sinasabing Head ng Training, Demolition at Explosives Team ng NPA at Assistant ng lider ng mga NPA na si Victorio Tesorio, na ang Caliber 9mm ay issue kay SPO4 Agtang ng Abulug Police Station.
Ito ay nakuha sa isinagawang checkpoint ng grupo ni Sagun sa boundary ng Ballesteros at Abulug, cagayan nang tumugon ang mga pulis sa pagsunog ng mga rebelde sa cellsite sa bayan ng ballesteros noong 2010.
Si Sagun ay kabilang umano sa mga sumunog sa cellsite.
Sinabi ni Supt. Pagalilawan na makikipag-ugnayan sila sa lalawigan ng Cagayan upang malaman kung ano ang tunay na nangyari sa sunog at pag-agaw ng baril ng dalawang pulis para idagdag sa kanilang kaso.
Sinabi pa ni Supt. Pagalilawan na ang sunud-sunod na pagkadakip ng mga lider ng mga NPA ay maituturing na paghina ng kanilang puwersa dahil nagdulot ito ng low morale sa kanilang mga kasama.
Kasama ni Mauricio Sagun na nadakip sina Mario Turqueza, 65 anyos, magsasaka at residente ng Minanga, San Mariano, Isabela, chief blasterman at bomb expert ng NPA; Maximiano Domingo, 41 anyos, magsasaka, residente Sitio Kaunayan, Barangay Old San Mariano, San Mariano, Isabela; Ariel Peñaflor, 48 anyos magsasaka, tubong Daet, Camarines Norte ngunit nakatira na sa Minanga, San Mariano, Isabela; at Bernard Peñaflor, 21 anyos, magsasaka, residente ng Minanga, San Mariano Isabela.




