CAUAYAN CITY Inihahanda na ang panibagong kaso laban sa pulis na nakabaril patay sa isang tsuper ng tricycle sa barangay Naganacan, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Inspector Sosimo Zambrano, Chief ng Investigation Section ng Cauayan City Police Station na lumabas sa kanilang pagsusuri na walang lisensiya ang Cal. 45 baril ni PO1 Michael Joaquin na nagamit sa krimen.
Dahil dito mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang pulis.
Nauna nang nasampahan ng kasong Homicide si PO1 Joaquin makaraang mabaril at mapatay ang biktima si Erwin Dumrique,42 anyos.
Ipinasuri ang baril na ginamit sa pamamaril ni PO1 Joaquin sa firearms and explosive division camp crame at natuklasang walang kaukulang lisensiya.
Una nang nagpiyansa ang pulis sa kanyang kinakaharap na kasong homicide at sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Quirino Police Provincial Office upang kaharapin ang kasong administratibo at hindi na nakabalik sa Nagtipunan Police Station kung saan siya nakatalaga.
Magugunitang umawat lamang ang pulis sa pakikipag-away ng biktima at nag-warning shot subalit tinamaan si Dumrique na nagsanhi ng kanyang kamatayan.