--Ads--

CAUAYAN – Nasawi ang isang walong taong gulang na batang lalaki habang nasugatan ang tatlong iba pa matapos ma-hit and run ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Brgy. San Juan, Echague Isabela.

Ang motorsiklo ay minaneho ni Richard Estoce, tatlumpu’t isang taong gulang, residente ng Pangal Norte, Echague, Isabela kasama ang mga angkas na sina Daisy Batag, tatlumpong taong gulang; Xiaxie Estoce, tatlong taong gulang at Angelo Rian Estoce, walong taong gulang.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na mula sa Barangay Garit Norte at pauwi na sa barangay Pangal Norte ang motorsiklo habang ang nakabangga sa kanila na isang Toyota Corolla na kulay blue ay patungo sa Ipil, Echague, Isabela.

Nag-over take aniya ang kotse dahilan para masagi nito ang motorsiklo ng mga biktima.

--Ads--

Natumba ang mga biktima at nagtamo ng sugat sa katawan na agad namang dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival si Angelo Rian.

Sa pagsasagawa ng hot pursuit operation ng mga otoridad ay nakakuha sila ng kopya ng CCTV footage at nakunan ang kotse sa bahagi ng Jones, Garit Norte, San Antonio minit, San Manuel, Arapiat at lumabas sa Naggasican patungo sa direksyon ng Batal sa Lungsod ng Santiago.

Hinihingi nila ngayon ang tulong ng publiko para makapagbigay ng impormasyon kung makita ang sedan type dark blue Toyota Corolla, na may spoiler, may ilaw na green sa ilalim at walang plaka na makipag-uganyan sa himpilan ng pulisya o kaya sa Bombo Radyo Cauayan para sa pagkakakilanlan ng suspek.

Nanawagan din ang pulisya sa suspek na sumuko na para harapin ang kaniyang nagawa at mabigyan na ng hustisya ang pagkasawi ng bata.