Isang 2-taong gulang na bata sa katauhan ni Joseph Harris-Birtill, ang opisyal na kinilala bilang pinakabatang miyembro ng Mensa, isang prestihiyosong samahan para sa mga may mataas na IQ.
Pasok si Joseph sa top 2% ng populasyon na may mataas na IQ, kaya pormal siyang tinanggap sa organisasyon.
Ayon sa kanyang mga magulang, sina Dr. Rose at Dr. David Harris-Birtill, kapansin-pansin na ang katalinuhan ni Joseph simula pa pagkasilang. Sa edad na pitong buwan, nakapagbigkas na siya ng unang salita, at bago magdalawang taon, nakabasa na ng isang buong aklat.
Bukod sa pagbabasa, marunong siyang magbilang sa limang wika, kabisado ang Greek alphabet, at kasalukuyang interesado sa Morse code at periodic table.
Dahil sa kahanga-hangang abilidad ng anak, lumapit ang kanyang mga magulang sa Mensa upang makahanap ng komunidad na makakatulong sa paghubog ng kanyang talino.





