--Ads--

Umani ng matinding negatibong reaksyon mula sa publiko ang isang ama matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan makikitang sinapak umano niya ang kanyang anak na natalo sa isang push bike competition na ginanap sa Surallah, South Cotabato.

Sa viral video na kuha ng isang netizen, makikitang tinamaan sa ulo ang bata matapos ang kompetisyon, dahilan upang matumba ang bisikleta at ang bata na kinilalang may alyas na “Nicole.”

Gayunman, agad ding nakatayo ang bata at makikitang umalis ang mag-ama na tila walang nangyari.

Dahil dito, umulan ng batikos mula sa mga netizen ang ama na kinilalang si Alyas Michael, lalo na sa umano’y pananakit nito sa sariling anak.

--Ads--

Marami ang nagpahayag ng pagkabahala at galit, at nanawagan ng agarang aksyon mula sa mga awtoridad at ahensya na nangangalaga sa kapakanan ng mga bata.

Samantala, nagsalita na ang asawa ni Michael upang ipagtanggol ang kanyang asawa.

Ayon sa kanya, hindi umano intensyon ng ama na saktan ang bata at ang insidente ay resulta lamang ng bugso ng emosyon sa gitna ng tensyon ng kompetisyon.

Giit pa niya, maayos ang kalagayan ng bata at wala itong tinamong seryosong pinsala.

Kaugnay nito, hinikaya’t naman ng publiko na gumawa ng hakbang ang Municipal Social and Development Office o MSWDO ng Surallah sa di magandang pangyayari.