CAUAYAN CITY – Patuloy ang paghahanda ng Batanes kaugnay sa inaasahang pagtama sa lupa ng bagyong Goring.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRM) Officer Roldan Esdicul sinabi niya na tuluy-tuloy ang paghahanda nila tulad ng pagtatali ng bubong at paglalagay ng Tapangko o Window Shutters bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng bagyong Goring sa lalawigan.
Nakapagpamahagi na rin sila ng lubid sa mga residente upang matiyak na ligtas ang kanilang mga ari-arian.
Mahigpit na ring ipinagbabawal ang pagpalaot ng anumang uri ng sasakyang pandagat dahil epektibo na ang no sail policy.
Patuloy ang paalala nila sa mga residente na mag-ingat at huwag magpakampante kahit pa bahagyang humina na ang bagyo upang maging handa sa posibelng epekto nito.
Sa ngayon ay handa na at nakapreposition na ang mga family food packs na ipapamahagi sa mga pamilya na posibleng maapektuhan oras na tumama ang bagyo.
Handa na rin ang generator para sa kuryente at tubig kung sakali mang lumakas pa ang bagyong Goring.
Tinig ni PDRRM Officer Roldan Esdicul.