--Ads--

Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng mga ahensya ng pamahalaan sa lalawigan ng Batanes kaugnay ng inaasahang pananalasa ng Bagyong Nando.

Ayon sa PAGASA, mataas ang posibilidad na umabot sa kategoryang super typhoon ang bagyo kung saan inaasahan ang extreme northern Luzon, partikular ang Batanes at Babuyan Islands.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul, sinabi niyang sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ng PDRRMC ay inirekomenda ang maagang paglalagay ng mga tapangko sa mga government facilities at paaralan bilang bahagi ng disaster preparedness.

Naging abala rin ang mga residente sa paglalagay ng mga tapangko at paglalagay ng bigat sa mga bubong gamit ang buhangin, lalo na sa mga kabahayan na yari sa light materials. Sa bayan ng Basco, marami ang naghahakot ng buhangin upang gamitin bilang pabigat sa bubong, habang ang iba ay nagtatali na ng mga yero gamit ang lubid.

--Ads--

Pinayuhan ng PDRRMC ang mga residente na agad lumapit sa kani-kanilang LGU at pribadong organisasyon na handang magbigay ng tulong sa paglalagay ng mga tapangko at lubid, lalo na sa mahigit 2,000 bahay sa Basco na gawa sa light materials.

Tiniyak din ni Esdicul na may sapat na family food packs at relief goods na ipamamahagi sa mga maaapektuhang pamilya. Kasalukuyan nang nararamdaman ang maulang panahon sa lalawigan, ngunit nananatiling kalmado pa ang karagatan.

Dagdag pa niya, naka-standby na ang search and rescue teams ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection upang tumugon sa anumang emergency.

Umaasa naman ang PDRRMC na hihina si Nando bago tuluyang tumama sa kalupaan, ngunit muling pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.