CAUAYAN CITY – Patuloy ang paghahanap sa isang batang hinihinalang nalunod sa ilog na nasasakupan ng barangay Upi.
Ang biktima ay si Karl Cedric Sacasac, labindalawang taong gulang, grade-7 at residente ng barangay Upi, Gamu Isabela.
sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Captain Gerriyel Frogoso, hepe ng Gamu police station na batay sa nakuha nilang impormasyon nagbisikleta ang biktima kasama ang tatlo pang menor de edad sa bahagi ng Junction Upi, Gamu nang magpasya ang mga itong magtungo sa ilog upang maghugas ng bisikleta.
Ayon sa mga kasamahan ni Sacasac, naghahabulan lamang sila sa mababaw na bahagi ng Ilog nang bigla na lamang umanong lumubog sa tubig ang biktima.
Aniya, malayo sa kabahayan ang ilog kaya tumakbo ang mga kasamahan nito upang humingi ng tulong.
Ayon kay PCaptain Frogoso, agad silang nagtungo sa ilog upang magsagawa ng search and rescue operation.
Sa kasalukuyan ay nakipag-ugnayan na rin sila sa pamilya ng batang mag-aaral.











