CAUAYAN CITY – Natagpuang wala nang buhay ang dalawang taong gulang na batang nalunod sa kahapon sa Barangay Antonino.
Dakong alas otso ng umaga kahapon nang habang naglalaba ang ina ng biktima ay nakikipagbiruan ang bata sa kanilang kapitbahay hanggang sa tumakbo ito patungo sa likod ng kanilang bahay malapit sa irigasyon.
Kalaunan ay hinanap ng kapitbahay ang bata sa ina nito subalit hindi na nila nakita dahil dito ay naghinala silang maaaring nahulog ang bata sa irigasiyon dahil hindi naman siya palatago.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga kawani ng BFP at PNP katuwang ang mga residente, opisyal ng barangay at mga barangay Tanod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Ginang Feliza Urbano, ina ng bata, sinabi niya na ipinag patuloy nila ang paghahanap hanggang sa hiniling nilang ipasara ang kabilang drop ng Irrigation canal upang bumaba ang antas ng tubig.
Mayroon ding dumating na backhoe na nagamit sa pagtanggal ng mga dumi at iyon din ang ginamit sa pag pump ng tubig.
Marami pa rin ang mga tumulong kahit gabi na subalit hindi napansing naiagos na pala ang kaniyang anak sa may kalayuan na sa kanilang lugar na natagpuan naman ng isang lalaki na maghuhugas ng kamay sa tubig at siya na ring nagdala sa bata sa punerarya.
Marahil ay pinilit ng kaniyang anak na lumaban upang hindi malunod dahil sa mga natamo nitong sugat sa mata at katawan na sanhi upang tuluyang malunod.
Ayon kay Ginang Urbano, bagamat masakit mawalan ng anak ay tatanggapin na lamang nila ang nangyari at isipin na hindi para sa kanila ang bata dahil ipinahiram lamang ito sa kanila ng Diyos.
Nagpasalamat ang ginang sa mga tumulong sa paghahanap sa kanyang anak
Kaugnay ng pangyayari ay nagbigay ng paalala sa mga magulang si Barangay Kapitan Teresita Gulla ng Antonino Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay barangay Kapitan Gulla, sinabi niya na dapat na bantayan ng mga magulang ang mga anak na nasa murang edad pa lamang lalo na kung nakatira sila malapit sa irigasyon.
Bagamat may harang sa knilang tapat ay may parte na walang harang kaya maaring doon nadulas at nahulog ang bata.
Balak din aniyang pulungin ang mga nakatira malapit sa irigasyon para sabihan na iwasan ang pagtatapon ng basura sa irigasyon.