Humiling si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa pamunuan ng Kamara ng awtoridad upang makabiyahe sa ibang bansa, na aniya’y bunsod ng umano’y “kahilingan” mula sa ilang “mataas na kinatawan ng administrasyon”.
Ayon kay Leviste, ang naturang kahilingan ay ipinadaan sa kanyang ina na si Sen. Loren Legarda, na umano’y pinakiusapan na pigilan siyang maglabas ng ebidensiya na nag-uugnay sa ilang opisyal ng gobyerno sa mga kuwestiyonableng proyekto ng DPWH.
Naglabas ng pahayag ang mambabatas matapos kumpirmahin ang ulat na humingi siya ng clearance upang makabiyahe sa ilang bansa sa loob ng limang buwan simula Pebrero 8, sa gitna ng mga isyu kaugnay ng solar firm na kanyang itinatag.
Inaasahan ng House Committee on Legislative Franchises na magsisimula sa susunod na linggo ang kanilang motu proprio na imbestigasyon hinggil sa naturang mga isyu.
Tiniyak ni Leviste na siya ay “naroroon sa anumang pagkakataon” na ibibigay ng Kongreso upang siya ay makapagsalita sa anumang usapin. Hindi niya binanggit ang eksaktong panahon at mga bansang pupuntahan, ngunit kinumpirma niyang humiling siya ng travel authority.
Nang tanungin kung balak niyang bisitahin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Netherlands, isa sa mga bansang kasama sa kanyang travel clearance request, sagot ni Leviste: “Plano kong bisitahin ang komunidad ng mga Pilipino sa mga bansang may malaking Filipino communities, gaya ng makikita ninyo sa listahan ng mga bansa.”











